Irog,
Ogenki desuka. Musta na? Iyan ang una mong mga salita sa akin. At natutuwa ako na ang pangungumusta
mong iyan ay humantong sa araw na ito.
Sa wakas, nakarating din tayo dito. Isang buwan bago ang isang taon ng ating anibersaryo. Sabi mo nga, mabuti at ginamit ni Kupido ang palaso ng berdeng arkero upang papaghugpungin ang ating mga puso.
Workaholic lang ang tingin ng marami sa akin. Iniisip nilang wala akong panahon sa lovelife. Kaya hindi ako makakapag-asawa.
Pero…
Matagal ko nang pinaghandaan ang araw na ito.
Dahil habang nauuna nang mag-asawa at magkaanak ang aking mga dating estudyante, maraming beses ko nang inimadyin kung paano sasabihin kay Sir Vim na kukunin ko siyang Ninong, maraming termino ko nang tinawag na Ninong si Sir Yum at taon na ang binibilang ko nang simulan kong tawaging Ninang si Ate Tere.
Habang nagpapabinyag ang aking mga kakilala ay nangungumbida na ako ng aking mga kaibigan upang maging abay.
Samantalang nagpapaaral na ng mga anak ang aking batchmates, nag-o-ocular na ako ng simbahan kung saan pwedeng magpakasal.
May kulang nga lang… Walang groom… Nakarating pa ako sa Amerika para subukan ang aking tyansa na makilala kung sino siya.
Hanggang sa dumating ka…
Sa wakas, sa kauna-unahang pagkakataon,
Nakatagpo ako ng taong makakasama kong kumatha at tumula.
Magdiskurso ng mga teorya o magbasa ng mga nobela.
Pumunta sa mga museo at manood ng mga pelikula.
Mag-aral ng kasaysayan, wika at kultura.
Hindi lang kita kabertdey kundi ngayo’y kasalo, katuwang, kabiyak… Sa mata ng Diyos at ng tao.
Ikaw ang aking Sherlock, Dr. Strange, Professor Xavier at Haruki.
Sa lahat ng puyat at luha, mahal kita.
Sa lahat ng pagod at saya, mahal kita.
At sa araw na ito, mas mahal kita kaysa kahapon at mamahalin pa sa bawat habampanahon.
Aishiteru!