Maniwala tayo sa ating mga sarili.
Hawakan ang kamay ng bawat isa.
Damhin pagsasabi at talaban
Ng tiwala at pag-asam
Makakaya nating lagpasan ang lahat gaya ng iyong tinuran.
Kahangalan bang mangarap na sabay tayong aakyat sa entablado?
Kahit alam nating may mga estrangherong tumutuya
sa mga naisulat nating teksto? Babalutin ba ng pangamba ang mga susunod na buwan? Magpapang-abot ba tayo?
Hindi ako hangal, mahal ko.
Sapagkat noon pa man, sa simula nang tumango ako sa relasyong ito
Kailanma’y di ako nagduda o nalito sa kakayahan mo
Hinahamon lang nila tayo
May mga estrangherang hindi mawawaan kung paanong ang tagumpay natin sa pagkadoktorado ay tagumpay din kapwa ng ating mga puso.
Sabay tayong magtatapos sa Oktubre ng taong ito.
Lubos akong nagtitiwala sa kakayahan at iyong talino.
Maaaring ako ang una mong kritiko.
Subalit ako rin ang iyong unang kasangga, kapanalig, tagapayo.
Tulad ng disertasyon na may saklaw at limitasyon
Natutuwa akong sabay tayong lumalago habang iginagalang ang ating mga kaibahan at indibidwalidad.
Mahal kita palagi. Kaya natin ito.
(Isinulat sa loob ng tricycle. Mula sa dating Mcdo hanggang sa Letran)