Nasaan ang makata ng pag-ibig
Humuhuni ng berso
Nagtitilad ng iwa ng puso
Nagpapaamo’t nagpapaamot.
Nasaan ang makata ng pag-ibig
Umaawit ng tula
Nagtatapyas ng gunita
Nagpapatianod sa haraya?
Matimpi ang bawat pantig
Mabini ang sukat, di pilit
Minsan ay malaya
Humahampas, gumigimbal, yumayakap, kumakapit.
Nasaan ang makata ng pag-ibig?
Nailibing na ba kasama ng mga pahina
Ng mga aklat na ngayo’y abo na?
O naikulong sa alaala?
Buhay ang makata
Hindi lamang sa araw na hinanap siya
O sa siglong siya’y dinakila
Humihinga siya sa unang tangka
Nang subukan nating
Magmahalan kapwa.